Pilipinas kong Mahal, bat ganun?

Walang humpay sa pagkamot ng ulo ang tsuper ng taxi na aming nasakyan. Wari’y nagsisisi na isinakay pa kami mula sa Asturias malapit sa UST patungo sa Makati Med. Nakatulog na ako, tumulo ang laway, nagising, muling nakatulog at nagising, nasa byahe pa rin kami. Tuwing gigising ako, ako’y mapapabuntong hininga dahil nakikita ko ang pagpatak ng metro habang naaninag ko rin ang tsuper na yamot na yamot na pero pilit na ikinukubli ang pagkadismaya sa pamamagitan ng walang humpay na pagtilamsik ng dila at pagkamot ng ulo.

Damang dama ko na ayaw na lamang magsalita ng tsuper, dahil nakakahiya nga namang paulit ulit na manglimos sa mga pasahero ng pamasahe na labis sa inilabas ng metro. Pero nakita ko, naranasan at naawa ako. Paano sila kumikita kung ganito kalala ang trapiko?

Kasabay ng problemang ito, umaalingawngaw din ang balita sa radyo na mawawalan ng tubig ang karamihan ng mga lugar sa Metro Manila at Cavite. Isa na naman itong problema na kailangang harapin ng mga pangkaraniwang Pilipino. Napapamura na talaga ako, kahit bihira akong magmura!

Pauwe, nagdesisyon kami na sumakay sa bus. Walang nagbago sa sitwasyon. Mas mabilis pa ang mga taong naglalakad sa gilid ng kalye kesa sa bus na nasakyan namin at mga jeep sa kaliwa’t kanan namin. Patungo na kaming Edsa. Muli, ang tanong ko, paano kumikita ang mga tsuper kung 2-4 na beses lang sila makakabalik ng ruta? Paano nakakapagpahinga ang mga pasahero at nakakasalamuha ang pamilya nila kung malalim na ang gabi ay nasa kalye pa sila? Nakakaawa ang mga Pilipino.

Pagdating sa Edsa, may pagkahaba-habang pila sa LRT. May sira na naman ba ang sikat na LRT o ganoon talaga araw araw, hindi ko rin masabi. Pero sa mga panahon na yun, lalo akong naiiyak para sa mga Pilipino.

Sabi ng mga politiko, umaasenso daw ang Pilipinas. Pero bakit hindi ko makita iyon? Awang awa ako sa mga Pilipino dahil kahit na ganito ang sitwasyon, nagagawa na nating makuntento at tanggapin na lamang kung anung paliwanag na ibigay sa atin ng mga politiko na inilagay natin sa itaas. Sa haba na nang panahon na tayo ay nasasaktan, nahihirapan at niyuyurakan ang pagkatao, namanhid na tayo at hinahayaan na lang natin sila na ganituhin tayo.

Mababaw ang kaligayahan natin. Maligaya na tayo sa “pabebe girls”, at mga teleseryeng halos lahat ay humahantong sa barilan at patayan (hindi ko rin alam kung bakit) Simple ang buhay, kaya paglabas natin ng bansa, masasabi kong matatag ang ating pagkatao, mapagpasenya at hindi mareklamo. Ang ganitong karakter siguro ang pinakamagandang regalo mula sa pagtitiis na ating ginagawa habang nasa Pilipinas.

Pero, kailangan ba talaga nating pagulungin sa init para tumibay?

Edukasyon daw ang panlaban sa kahirapan.

Tingan nyo ito?

OLYMPUS DIGITAL CAMERA

Ito ang titulo sa Senior Citizen book na aking nakita. Hindi ko mawari kung tama ba na ganito ang pagsakulat nito. Tagalog ba ito o Ingles? Hindi ako propesyunal na manunulat pero nakikita ko na parang hindi tama ang pagkasulat nito. Nakaimprenta pa ito sa isang pambasang dokumento.

Halimbawa lamang ito, pero ang ugat ng mga ganitong bagay ay malalim. Nasanay na tayo sa “pwede na yan” at “naiintindihan na yan” kahit hindi ganon ka-tama at perpekto ang ating ginagawa. Hinahayaan natin na makalusot tayo sa daang pinakamadali, kahit sandali lamang ang ginhawa na pwede nating makuha mula sa rutang ito.

Nalalapit na naman ang eleksyon. Sana naman ay natuto na ang mga Pilipino. Pero natuto nga ba? Sana!

Sana naman, sa darating na eleksyon, pumili tayo ng maayos na taong ilalagay natin sa pwesto. Huwag nating isipin ang panandaliang aliw na ibibigay nila sa atin, kaunti McDonalds, Jolibee, kembot at kanta sa TV. Isipin natin ang ating mga anak, ang ating mga magiging apo. Anu ang mangyayari sa kanila kung magpapabulag tayo sa mga pambobolang dala ng mga karamihan sa mga kandidato?

Para sa mga kandidato, parang-awa nyo na. Ang pagpapatakbo ng bansa ay hindi parang dulaang pang-entablado. Buhay ng tao ang hawak nyo. Hindi lamang ng mga taong nabubuhay sa ngayon kung hindi pati sa mga darating pang henerasyon. Kung alam nyong wala kayong alam at kakayahan sa pagpapatakbo ng bansa, parang-awa nyo na huwag “muna” kayong tumakbo.

Sana naman irespeto nyo ang posisyon, ihanda muna ang inyong mga sarili, sa pamamagitan ng pag-aaral o pag mamasid sa mga taong mayroon nang mahusay na ‘track-record’ sa laranagan ng pulitika. Aralin nyong mabuti ang inyong “vision” para mas madali nyo malaman ang paraan (mission) kung pano nyo ito makukuha nang matagumpay. Muli, maawa naman kayo sa aming mga Pilipino!

Sa totoo lang, sa sandaling ibinyahe ko sa Edsa, naantig ng husto ang puso ko, umapoy ang pagka-Pilipino ko! Isa akong OFW. Umaalis ako hindi dahil ayaw ko sa Pilipinas. Gustong gusto ko at mahal na mahal ko ang Pilipinas pero sobrang bagal ng pag-unlad natin. Hindi ko alam pero sa pakiramdam ko ay may pumipigil sa ating pag-unlad , para hindi makaahon ang mga mahihirap, para mas lumawak pa ang pagitan sa gitna ng mga may kaya at naghihikahos. Ang sakit isipin, ang sakit makita, nakakairitang maranasan!

Pilipinas kong Mahal, bakit ganun?

About Miss_Pia

Neurotic Health-care Professional who enjoys sleeping, running, reading, introspecting, pole art and exploring new things and sometimes, places!
This entry was posted in Uncategorized and tagged , , , , , , . Bookmark the permalink.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s