Kakatapos lang ng bakasyon ng isang OFW. Nasa paliparan na naman siya, pabalik sa bansang pinagtatrabahuhan nya. Para sa kanya, dalawa lang ang kahulugan ng paliparan. Una, nangangahulugan ito ng kaligayahan, dahil may nagbabalik at muling makakasama ang kanilang mga mahal sa buhay; ikalawa, ay kalungkutan dahil nangangahulugan din ito ng pamamaalam, mayroong muling aalis at iiwan na naman ang kanilang pamilya. Bawat yakap at halik kaakibat ang dalawang emosyong pawang nasa magkabilang dulo ng katinuan ng tao. “Manic-depressive” ika nga sa Ingles.
Kahit ilang beses na siyang umuwi at umalis ng bansa, hinding hindi pa rin siya nasasanay. Ang kirot at hapdi ng pag-alis ng bansa ay kanya pa ring iniinda. Sa kanilang bahay, hindi niya kailangan magpakahirap magbago para mahalin at tanggapin. Mahal siya ng mga tao kahit ano pa manang kanyang gawin. Sa bahay, hindi nya kailangan mag-alala, kuntento siya at mas nakakapag-isip. Ang isang linggong pagbisita niya sa kanyang sariling bansa ay naglaho na parang panaginip.
Siya ay pabalik na naman sa reyalidad na mahirap at nakakapagod. Nasasaktan siyang isipin na, pag tapak nya sa paliparan, ilang minuto na lamang ay babalik na siya sa ibang mundo. Mundo na kailangan nyang patunayan ang kanyang sarili sa araw-araw na ginawa ng Diyos.
Sa isip nya, ihinihiling nya sa Maykapal na paunlarin na sana ang kanyang sariling bayan para hindi na kinakailangan pang lumabas ng bansa ng mga pangkaraniwang mamamayan tulad nya; habang muli nanamang sinisimsim ang mga panahon na muli siyang babalik sa Pilipinas. Ika nga sa isang OPM, “Simply no place like Manila.”
Marumi, magulo pero may puso…….