Pauwe kami ng aking ina nang napasakay kami sa isang jeep patungo sa aming lugar. Naupo kami. Malapit nang mapuno ang jeep kaya pumasok na ang kundoktor para maningil ng pamasahe. Sa harapan ko ay isang lalaking, nakaputi. Tinanong nya sa kundoktor kung magkano ang pamasahe. Ang sabi ng konduktor, dalawampu’t limang piso. Dumukot siya sa bulsa at itinuwid ang lukot lukot niyang pera. Dalawanpung piso lamang ito. Napatungo ang mama, at bumaba ng jeep. Nahuli ang reaksyon ko, aabutan ko sana ng limang piso, subalit, natulala ako at nabigla dahil madalian siyang bumaba.
Napaisip ako. Ang limang piso, para sa akin ay wala nang halaga. Sa aking bansang pinagtatrabahuhan lalo, 15cents na lamang ito. Kung mahulog ay di na pinupulot muli ng karamihan. Kapag ito ang sukli, ayaw nang kunin nang mga tao.
Matapos ang aking maobserbahan, napagtanto ko na malaking halaga na ito, lalo na sa karamihan ng mga Pilipino. Nitong nakaraang mga buwan, para akong mayaman sa ‘pag gastos ng pera ko, walang alintana sa pag kain sa labas, pag bili ng kung anu anong hindi naman kailangan.
Dahil sa aking nakita, para akong binuhusan ng malamig na tubig sa buong katawan ko, nakuryente at muling nagising. Ako ay muling nagising sa katotohanan na biniyayan ako ng maayos at komportableng buhay hinde lamang para pasayahin ang mga taong malalapit sa akin, kung hindi pati na rin mga taong hindi ko kilala.
Muli kong bubuhayin ang babaeng matalino sa pera at susubukang makatulong sa iba, na magsisimula sa maliit na limang piso!